|
06 May 2013
VIRAC, Catanduanes – Matapos ibasura ng Bureau of Immigration and Deportation ang citizenship case na isinampa laban kay Gov. Cua sa dahilang kawalan ng jurisdiction ng BID para pangasiwaan ang pagdinig kaugnay sa mga inilatag na issues, tuluyan nang inakyat sa hukuman ang usapin na ngayon ay naglalayong pawalang-bisa o kaya ay ipakansela ang certificate of naturalization hindi lamang ng gobernador kundi pati na ang naturalization certificates ng kanyang mga magulang at lahat ng kapatid.
Magugunitang noong ika-21 ng Pebrero, ayon sa desisyon ng BID, ang mga alegasyong ibinibintang kay Cua sa paglabag sa P.D. 836 ay hindi umano nila maaring aksyunan. Ayon sa mga komisyuner, malinaw na ang ganitong reklamo ay criminal in nature. Ayon pa sa Bureau, hindi uusad ang deportation proceedings laban kay Cua hangga't walang proper authority na nagdedeklarang imbalido ang naturalization certificate nito.
Batay sa ganitong konteksto kaya ibinaba sa Regional Trial Court-Manila ang usapin noong April 26, 2013, ng isang nagngangalang Abelardo L. Lucero, tubong San Andres, Catanduanes ngunit pansamantalang nakatira sa lungsod ng Las Piñas. Ang asunto para sa Declaration of Nullity and/or Cancellation of the Certificate of Naturalization na inihain sa korte ng petitioner kasama ang kanyang mga abogado ay laban kina Fernando Qua aka Fernando So Cua, Asuncion Qua aka Asuncion Cua, Joseph Qua aka Joseph Cua, Peter Qua aka Peter Cua, Lilibeth Qua aka Lilibeth Cua, Susan Qua aka Susan Cua at Connie Qua aka Connie Cua.
Ang kaso ay nakaangkla sa pagiging Tsino ng mag-asawang Fernando at Asuncion Qua. Pinatutunayan umano ito ng mga birth certificates nila kung saan ang kanilang mga pangalan ay Fernando Qua, hindi Fernando Cua at Asuncion Qua at hindi Asuncion Cua. Sa nasabing dokumento, deklaradong sila ay mga Chinese nationals.
Noong December 1975, sa ilalim ng PD 836 at Letter of Instruction (LOI) 270, nabigyan ng Filipino citizenship ang isang tao na nagngangalang Fernando So Chua bilang isang deserving alien.
Ayon sa complaint, si Fernando Qua, para maka-acquire ng citizenship sa pamamagitan ng mga probisyon ng PD 836, ay gumamit umano ng ibang pangalan nang wala ni anong petition at Court approval na itinatadhana ng Article 376 ng bagong Civil Code.
Ang nasabing batas ay nagsasabi: No person can change his name or surname without judicial authority.
Dahil umano sa pandaraya kaya nakamit ni Fernando Qua noong Feb. 24, 1976 ang kanyang certificate of naturalization sa ilalim nga ng PD 836, at sa ilalim ng naturalization na ito, ang Special Committee on Naturalization ay nagkaloob din ng Filipino citizenship sa taong nagngangalang Fernando So Cua. Ngunit sa listahan ng mga grantees, hindi nakasama doon ang pangalang Fernando So Cua.
At sinasabi na para matakpan ang malaking pagkakamaling ito, naglagay umano ng isang annotation sa dakong ibaba ng certificate of naturalization ni Fernando Qua ang Special Committee on Naturalization. Bagay na sinasabing iligal at ang gawaing iyon ay para umanong nag-aamyenda sa PD 836.
Ang tinutukoy na iligal na annotation ay ang umano'y maling baybay ng pangalan na Chua, at ito ay kailangan umanong basahin na Cua. Tandaan na ang nabigyan ng grant as deserving alien ay Fernando So Chua.
Dito nag-ugat ang sanga-sanga at masalimuot na isyu na bumabalot sa pangalan at pagkatao ng gobernador.
Prayer ng kaso ang ipawalang-bisa o kaya ay kanselahin ang lahat ng naturalization certificates ng buong mag-anak. Ayon sa complainant, kapag nagkaroon ng paborableng desisyon ang kaso, magkakaroon na umano ng batayan ang BID upang magsagawa ng deportation proceedings laban sa pamilya Cua.
Ayon naman sa kampo ni Cua, sasagutin nila sa tamang forum ang mga akusasyon. Nanindigan parin ito na tama ang nagging proseso ng kanilang mga dokomento.
More Articles...
- Pangongolekta ng Permit To Campaign ng NPA, kinumpirma ng isang kandidato
- Harassment sa pulitika, umiinit; bokal, pinagbabantaan
- Vice-Gov. Teves, nagsalita na laban sa 'pakikialam' ni Gov. Cua sa kanyang opisina
- Simbahan, nanawagang piliin ang tamang pastol
- Four from Catanduanes are new lawyers
- SA ACQUISITION NG TEACHERS' UNIFORM: Mga guro, umaalma sa bagong patakaran ng DepEd
- 2 senatoriable, pabor sa responsible mining
- Proclamation ng Partido Liberal, dinagsa
- Grace Poe, sumama ang loob sa isyu ng pagiging ampon
- BICOLANO, no, 4 sa Bataan Death March Ultramarathon race



















