|
05 February 2010
Nasulyapan ng inyong kaperyodikong Tagulipdan ang ilang religious leader na nag-uusap hinggil sa lumalalang sitwasyon ng illegal logging sa bayan ng San Miguel. Isa na dito ang ating mga kapatid sa pananampalataya.
Gaano katotoong halos marami ng umaangal sa mga nakikitang hindi kanais-nais na halos maponde na ang kanilang isipan.
Sino nga ba ang nasa likod na walang patumanggang delivery ng mga kahoy sa naturang lugar na halos hindi malaman kung kailan mapipigil ang pang-aabuso sa ating kapaligiran.
Nasubaybayan ng pahayagang ito ang hindi na itinatagong sitwasyon ng putulan at biyahe na animoy open secret na ang ganitong sitwasyon.
Umaaksyon na rin ang alkalde, subalit, nang manghuli, pinalibre naman ang ilang kahoy dahil sa pahintulot ng DENR. Gaano kalakas ang mga taong nasa likod ng ganitong operasyon sa mga may kapangyarihan? Marami tayong napapakinggan na ikinukonek sa ilang matataas na opisyal, subalit nasa proseso ng ebalwasyon at paninilip ng mga ebidensya.
Sana naman, bago pa maging huli ang lahat, magising sa katotohanan ang ating mga opisyal upang bantayan ang ating kapaligiran at hindi maging bantay salakay.
*******************************
Natapos na ang misteryo ng tug of war sa bahay ni Kuya sa Marinawa. Lumabas na ang mga dating tinitingala sa bahay at kung minsan inilalagay sa kanilang mga kamay ang batas dahil sa kanilang pride chicken at poder ay mamamahinga na muna.
Ang tanong; dahil naipalabas na ang mga taong ito sa bahay ni Kuya, matatahimik na kaya ang buong kabahayan?
Upang wala na umanong kibuan, ibinigay na ang premyo sa mga naging maganda naman ang performance sa paligsahan. Subalit yon nga lamang, hindi na sila pababalikin at ang premyong pangkabuhayan na lamang ang kanilang palalaguin.. hikhikhik!
Masasabing wala ngang matigas na tinapay sa mainit na kape. Hikhikhik! Pana-panahon mga kaperyodiko ang buhay sa mundo. Kung minsan nasa ilalim at kung minsan nama’y nasa ibabaw. Sadya ngang ganito ang buhay. Maligaya ka ngayon, mamaya malungkot at hindi mo alam, na sa pag-inog ng orasan, ikaw na rin ang isinasalang sa roleta ng kapalaran.
Kung tapos na nga ang unos sa bahay ni Kuya, wala ng dahilan, upang hindi mapaganda ang ilaw ng kapakanan para sa mga member consumers. Dahil kung hindi, walang silbi ang regodon kung hindi naman mababago.



















