Sound of Silence

STRICTLY POLITICS
Typography

Tila nakakabinging katahimikan ang maoobserbahan mo sa lalawigan ng Catanduanes pagdating sa gubernatorial post. Ibig bang sabihin, walang magiging kalaban ang incumbent na si Boboy Cua?

Sakaling ito nga ang mangyari, ibig sabihin din ay malaki ang respeto ngayon sa pamamalakad ng gobernador sa lalawigan o posibleng natatakot ang ilang pulitiko sa naipon ngayon ng incumbent pagdating sa mga tao at maging logistics.

Ilan sa maugong na napapabalita noon na posibleng maging katunggali ay ang dating political rival na si Verceles, subalit tahimik ngayon after supresang magpakita sa kapitolyo kamakailan, subalit hindi na nasundan. Ayon sa impormasyon, naghihintay pa sa mga magiging development sa taas ang dating opisyal at kung saan aanib. Lumabas din ang pangalan ni Congressman Joseph Santiago, kung saan, ayon sa impormasyon, ito nga ang malaking tinik sa lalamunan ni Cua kumpara kay Verceles, sakaling ito nga ang maging alternatibo ng solon.

Hindi natin maikakaila na mahaba ang pinagsamahan ng dalawang pinuno ng lalawigan kaya’t imposible umanong magkaroon ng ganitong scenario at kung mangyayari man umano ito, handa sa ano mang tila bangungot na pangyayari ang gobernador sa kanyang dating kaututang dila.

Pinapalabas na rin ngayon ng kampo ni Jas ang scenario na tatakbong alkalde ng Virac ang kongresista, subalit taliwas ito sa ginagalaw ng kanyang mga galamay na kahit saang lugar, basta’t merong KBP, kasal, binyag at patay nagpapadala ng tulong? Kung sa Virac lang ang target ng solon, eh dapat Virac lang siya tutulong…hikhikhik!

Sa bayan ng Viga, pursigidong tumakbong muli bilang alkalde si Mayor Abelardo Abundo, ngunit, subalit, merong posibleng kaharaping protesta ang alkalde sa legitimacy ng kanyang pagtakbo.

Kung matatandaan niyo, nagkaroon ng election protest noon si Abundo laban kay dating Mayor Siksik Torres, subalit ilang buwan na lamang bago ang halalan, nauwi pa rin sa kamay ni Abundo ang pamamahala matapos manalo sa protesta sa ikalawang termino. Kaya’t kung bibilangan natin, ikatlo at last term na ngayon ang alkalde.

Subalit, ayon sa mga lumalabas na impormasyon, wala umanong magiging hadlang dahil meron mga legal opinion at ilang nahahawakang kaparehong desisyon ang alkalde na magiging passes sa naturang pwesto. Sakali man umanong malagay sa alanganin, nakareserve naman ang dating Chief of Staff ni dating gobernador Verceles na si Bic Abundo na posbileng maging kahalili sa naturang pwesto.

Sa Caramoran, tila magkakaroon ng tatlong kandidat. Dalawang babae at isang lalaki umano? Ibig sabihin dalawa ang magigng challenger ni Mayor Agnes Popa. Ang isang dating alkalde at ang bagong saltak na susubukang bigyan ng alternatibo ang Caramoranon. Ayon sa impormasyon, nagdeklara na itong bago at malaking surpresa umano ito sa dalawang rosas dahil magkakaroon ng pagpipilian ngayon ang mga botante ng Caramoranon. Saan kayo tataya, sa 2 babae o sa lalaking kandidato? Kung matatandaan niyo, tatlo ng babae ang humawak sa Caramoran, subalit walang nabago. Baka ngayon 2010 merong mga pagbabago. Abangan natin yan mga kaperyodiko..