Mga Mungkahing Itinatabi, Mga Pagbabagong Nananatili

MEDICAL DISCOVERIES
Typography

First of all let us commend the provincial government (and the PHO) for its lightning speed in its effort to contain the cholera outbreak. This is what happens when there is a strong political will. We cannot let our guard down though with the approaching rainy season, potential breeding ground for the likes of cholera, typhoid, dengue and leptospirosis.

Sino naman ang makakalimot ng mga larawang nakita natin sa TV ng manalasa ang bagyong Ondoy? Mga commuter na mistulang lumalangoy na sa hanggang dibdib na baha. Mga bahay na inaanod. Mga taong tinatangay ng agos. Ang mga kagimbal-gimbal na imaheng ito ang tumatak sa ating isipan.

Nguni’t ang mas matinding pinsalang dulot ni Ondoy ay nagpatuloy hindi lang sa kasagsagan ng bagyo kundi maraming araw, linggo at buwan pa makaraang natuyo na ang mga putik na iniwan nito. Ang mga nakabarang basura sa mga kalsada. Ang mga nagkalat na dumi sa buong pamayanan. Ang mga nabubulok na patay kahit saan.

Sa kada sakunang ating napagdadaanan, sari-saring mga pagbabago ang iminumukna. Sari-saring mungkahi ang ipinapaabot. Nguni’t sa mga buwang sumusunod, ang bagong timplang kape ay dahan-dahang nawawalan ng init, dahan-dahang nawawalan ng lasa. At mistulang lumang laruang pinagsawaan ng bata, itatabi sa isang sulok, baon sa mga agiw at alikabok, baon sa limot ng magandang panahon.

Ngayong paparating na naman ang panahon ng bagyo, muli na naman nating maaalala ang laruang minsang itinabi. At sana naman ay maisakatuparan ang mga mungkahi bago pa man dumating ang sakuna.

Ang ating kapitbahay na lalawigan ng Albay ay minsan nang nakaranas ng pinsalang hindi lubos maintindihan ng kahit na gaano kalalim na pag-unawa. Ang bagyong Reming noong July 2007 na nagdala ng walang patid na ulan. Ulang na syang umanod sa tone-toneladang lahar sa tuktok, tagiliran at paanan ng bulkan Mayon, na sya namang umanod sa libo-libong kabahayan, kasama ang mga pamilyang duon naninirahan.

Hindi man magandang pakinggan, pero ang sakunang ito ay pinakinabangan ng pamahalaan ng lalawigan. Sa pag-ahon sa sakunang ito, pinulot nila ang daan-daang aral na sya naman nilang isinaisip, isinapuso, at isinagawa. Kung kaya’t bago pa man dumating ang mga sumunod na sakuna, nagawa na nila ang mga dapat gawin.

Ang lalawigan ng Catanduanes ay nasa bukana ng lagusan ng halos lahat ng bagyong nanggagaling sa Pacific Ocean. Ang pangalang Catanduanes ay lagi nang may karugtong na bagyo sa isipan ng mga hindi tagarito. Kahit nga ang tourism sector ay nakisakay na rin sa pagkakakilanlang ito. “Land of the Howling Winds” sabi nila.

Sa daan-daang taong binabayo tayo ng daan-daang bagyo, natuto na ang tao kung papano haharapin ang mga ito. Standard fixture na sa mga itatayong bahay ang tinatawag na “typhoon guard slots”, kung saan isasalpak ang mga tabla na magsisilbing proteksyon sa mga salaming bintana. Ang mga residente sa mga binabahang lugar ay nagkukumahog na magkaroon ng second floor, “paiklupan” kung sakasakaling tumaas ang tubig.

Nguni’t higit sa kasanayan ng mga mamamayan, mas kailangan natin ang organisadong paghahanda ng mga local na pamahalaan. Isang paghahanda na walang bahid ng pagkamakasarili ng mga nakaupo sa pwesto. Isang paghahanda na walang ibang isinasaalang-alang kundi ang kapakanan at kaligtasan ng mamamayan. Dahil sa panahon ng sakuna, walang mananaig kundi ang kahalagahan ng buhay ng tao. Dahil ang ligtas na bayan, ay maunlad na pamayanan.