Criminology student, natagpuang patay

POLICE REPORT
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Natagpuang wala ng buhay ang isang 22-year old na criminology student sa loob mismo ng kanyang inuukupang boardinghouse sa barangay ng Rawis noong nakaraang linggo.

Batay sa impormasyon, pasado ikawalo ng umaga noong September 24 nang madiskubre ng mga kaibigan at boardmates ang katawan ng biktimang si Patrick Levy Tebelin na wala ng buhay habang nakabulagta sa higaan sa loob ng inuukupa nitong silid sa Platero’s Boarding house.

Ayon sa mga ka-klase ni Tebelin na sina Marvin Solmerano, John Loyd Barro at Rommel Nazareno, nagsimula umano silang mangamba nang hindi tumugon sa kanilang pagkatok si Tebelin noong umaga ring iyon kung saan nakatakda silang pumasok sa eskwela. Kapwa sila mga criminology student ng CPIC.

Binuksan umano ni Nazareno ang jalousie window at sumilip sa loob ng silid. Nakita umano nitong nakahiga sa kama si Tebelin ngunit napuna umano ni Nazareno na unat na unat ang mga kamay nito at tila hindi humihinga.

Sa nakita ay nagdesisyon ang mga kaklase na pwersahin ang pinto ng silid ni Tebelin upang mabuksan, at nakumpirma nilang wala na ngang buhay ang kanilang kaibigan at kaklase.

Si Tebelin ang ikatlong CPIC Criminology student na namatay mula lamang nitong Hulyo. Una ay ang boarder mula sa Zamboanga Farm na natagpuan ding patay sa ibabaw ng kanyang higaan. Ikalawa ay mula naman sa Belaro Boardinghouse sa Rawis na sadyang nagpatiwakal, at ngayon si Tebelin na natagpuan ding patay sa loob ng kanyang boardinghouse. (RAMIL SOLIVERES)