PNP checkpoint, pinasabugan ng bomba

POLICE REPORT
Typography

VIGA, CATANDUANES – Isang Improvised Explosive Device (IED) ang sumambulat, may limampung metro lamang ang layo sa posisyon ng pulisya na noo’y naghahanda para magsagawa ng regular COMELEC checkpoint.


Ayon kay PNP Provincial Director Senior Superintendent Jesus Martirez, mag-iikasiyam ng umaga noong January 28, 2016 nangyari ang insidente sa National road ng barangay Sagrada sa bayang ito.
Bagaman malapit lamang sa checkpoint ng Viga Police pumutok ang IED, tiniyak ni Martirez na walang nasaktan sa nangyari.

Kwento pa ng opisyal, bago ang checkpoint operation ng PNP, una na umanong nakipag-ugnayan sa kanya ang kasundaluhan at sinabing nagkaroon ito ng operasyon sa lugar kung saan sumabog ang bomba.

Buo ang paniniwala ni Martirez maging ng mga sundalo na mula sa mga rebeldeng grupo ang nasabing kontrabando, lalo’t malapit na umano ang eleksiyon kaya’t maaring feeler o paramdam ng mga rebelde ang nasabing aktibidad.

Samantala, dalawang linggo lamang ang nakararaan nang unang makarekober ng tatlo improvised deveice ang Catppo-PPSC mula rin sa nasabing bayan. Sa salaysay ni Martirez, sa isang pwerang lugar sa barangay Magsaysay ng Viga nakuha ang tatlong pampasabog, mula umano sa isang farm hut ng isang nagngangalang Alfredo Borromeo.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman umano nilang ang nasabing kubo ay ginagawang tila stop-over ng New People’s Army (NPA) maging ng kasundaluhan kung nagsasagawa ng combat operations.

Sa validation ng PNP kay Borromeo, natiyak nilang hindi naman umano ito konektado sa nasabing mga rebeldeng grupo.
Hanggang ngayon, patuloy ang pagkilos ng pwersa ng pamahalaan kaugnay sa nangyaring pagsabog sa barangay Sagrada. Kinumpirma rin ni Martirez na may mga nalalabi pang kaanib ng makakaliwang pwersa sa nasabing munisipalidad. (RAMIL D. SOLIVERES)