Bumili ng nakaw na Fighting cocks ng dating alkalde, sinampahan ng kaso

POLICE REPORT
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Anim (6) na mga panabong na manok ni dating Virac Mayor Cito Alberto ang ninakaw ng isang binatang tambay noong nakaraang linggo sa farm sa Barangay Palta.

Samantala, matapos ang paggagalugad, natagpuan ito sa pag-iingat ng ilang residente, kung kaya’t isinabit ang bumili sa kasong paglabag sa Anti-fencing law.



Sa report ng Virac San Andres Pnp, gabi noong Enero 22 nang umano’y walang kagatol-gatol na pinasok ng isang kawatan ang gamefowl farm ni Mayor Alberto sa barangay Palta Small. Sa pagresponde ng pulisya, naaresto nila ang salarin na kinilalang si Rosmer Valderama Y Calderon, 19 years old, binata at walang trabaho.

Natunton ng pulisya ang anim na fighting cocks na tinatayang nagkakahalaga ng sampung-libo bawat isa sa tahanan ng isang nagngangalang Rodulfo Torcelino Y Tubice, 35 years old at isang magsasaka mula sa barangay ng Rizal sa bayan ng San Andres. Alegasyon ni Torcelino, ibenenta umano sa kanya ni Valderama ang nasabing mga manok.

Sa pagsasampa ng kaso, hindi umubra ang theft sapagkat ayon sa imbestigador ay wala umano ang elemento ng aktuwal na komisyon ng krimeng pagnanakaw. Ganoon pa man, hindi lumusot sa anti-fencing sina Valderama at Torcelino samantalang isang nagngangalang Pablo Torcelino ang isinabit din sa paglabag sa Anti-Fencing Law. (RS)