2 estudyante ng CSU at 2 iba pa, huli sa pot session

POLICE REPORT
Typography

Virac, Catanduanes - Dalawang first year electronics students ng Catanduanes State University (CSU) at dalawa pang bisita ang inaresto ng pulisya makaraang maaktuhan ang mga ito sa isang pot session sa loob mismo ng tinutuluyang boarding house sa barangay Calatagan noong nakaraang linggo.


Batay sa impormasyon, lampas hatinggabi noong August 12, 2015 nang umano’y masilip ng kaanak ng may-ari ng boarding house na si Catalina Marquez ang ginagawang pot session sa loob ng silid ng dalawang estudyante mula sa barangay Tobrehon sa munisipyo ng San Miguel. Ang mga ito ay nakilalang sina Jay-R Taperla, 20 years old at Ronnel Ralla, 22 years old at ang kanilang mga bisita na kinilala naman sa mga pangalang Jhonel Teano, 19 years old at Michael Tejeresas, 22 years old, mga binata at mula rin sa nasabing barangay. Ang nasabing kaanak ng may-ari ng boardinghouse ay agad umanong nakipag-ugnayan sa mga pulis ng barangay bago naman tuluyang tumawag ng pulis.

Sa pagpapatupad ng search operation sa loob ng silid, nakumpiska ng pulisya ang isang improvised toother, crumpled aluminum foil, improvised aluminum gutter with drug residues at iba pa katulad ng mga panindi at telepono.

Sa pakikipag-usap ng Bicol Peryodiko sa mga suspek, inamin ni Ronnel Ralla, na regular umano siyang gumagamit ng droga lalo na kapag nagiging panauhin nila sina Teano at Tejeresas. Ngunit itinanggi naman ni Taperla ang bintang at sumumpang kailanman ay hindi pa umano siya nakakatikim ng nasabing ipinagbabawal na gamot.

Sumailalim na sa isang inquest case proceedings ang apat sa kaso ng paglabag sa Sec. 15, Art. 2 ng RA 9165 or Use of Dangerous Drugs samantalang for regular filing naman ang isa pang kaso ng Possession of Drug Paraphernalia.

Samantala, nagpahayag ng kalungkutan sa pangyayari ang CSU. Ayon sa tanggapan ng Pangulo, hindi umano nagkukulang ang unibersidad sa pagdaraos ng iba’t-ibang talakayan at symposia upang maitaguyod ang anti-drug campaign. Katunayan, incorporated umano sa mga aralin sa NSTP ang tungkol sa nasabing paksa.

Pawang mga anak ng magbubukid ang dalawang estudyante. (RAMIL D. SOLIVERES)