Drug suspects, binugbog umano ng mga tanod

POLICE REPORT
Typography

Virac, Catanduanes - Nagrereklamo ng pambubugbog laban sa mga tanod ang dalawang CSU students at dalawa pa nilang kasama na dinakip at ngayo’y nakakulong dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamut sa loob mismo ng kanilang boardinghouse sa barangay Calatagan.

Sa eksklusibong paglalahad sa Bicol Peryodiko ng isa sa mga drug suspects na si Michael Tejeresas, padaskol umanong pumasok sa occupied room nina Jay-R Taperla at Ronnel Ralla ang apat na tanod at wala umanong kaabug-abog na sila ay binugbog at pinaghahampas ng Arnis stick na nakuha ng mga ito mula rin sa loob ng silid.


Kinilala ni drug suspect Taperla ang isa sa apat na tanod sa pangalang Raymund Marquez. “Pero hindi lamang ang apat na tanod ang nanakit sa amin, kundi pati ang apo ng may-ari ng boardinghouse na ang pangalan ay Earl Marquez.”

Ipinakita ng mga suspek ang mga latay ng hampas sa kanilang katawan. Sa Medico Legal Certificate sa isa sa drug suspects na si Jhonnel Teano, nagtamo siya ng pamamaga sa kaliwang pisngi at hematoma sa iba pang bahagi ng katawan. At batay sa diagnosis ni Dr. Britannicus S. Gomez ng Rural Health Unit ng Virac, si Teano ay nagkaroon ng soft tissue injury secondary to physical assault.

Nakatakdang maghain ng pormal na reklamo ang mga binate laban sa apat na tanod at sa sinasabing apo ng may-ari ng boardinghouse.

Sina Jay-R Taperla at Ronnel Ralla ay mga estudyante ng Catanduanes State University na dinakip sa umano’y aktong gumagamit ng droga kasama ang kanilang mga panuhin sa boardinghouse na sina Teano at Tejeresas.

Samantala, tinungo ng pahayagang ito ang barangay Calatagan at ayon sa kapitan del barrio Antonio Reyes, wala umano siyang ideya sa bintang laban sa kanyang mga tanod dahil nahuli umano siyang dumating sa lugar ng pinangyarihan. Imposible rind aw na makausap naming ang isinasangkot na mga tanod sapagkat kapwa pagod at puyat ang mga ito kaugnay sa kanilang paghahanda para sa kapiyestahan. (RAMIL D. SOLIVERES)