10 miyembro ng Virac PNP, abswelto sa mga kaso

POLICE REPORT
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Sa magkahiwalay na resolusyon na inilabas noong nakaraang linggo, ibinasura ng Regional Prosecution Office ang dalawang asunto na isinampa ng dalawang pulis laban sa sampu nilang kabaro dahil sa kawalan ng sapat na dahilan o lack of probable causes.

Batay sa impormasyon, inihabla ng dalawang pulis na sina Vincent Tacorda at Marcelo Bellen ang mga kasamahan nilang pulis na pawang miyembro ng Virac Municipal Police Stations na sina Inspector Rogelio Hernandez, Ruel Robles, Rolando Abichuela, Dario Gregorio, Sharmy Destura, Jick Zafe, Eric Deo Custodio, Froilan Gianan, Richard Pereyra at Jeffrey Angustia nang arestuhin ng mga ito sina Tacorda at Bellen sa kaso ng umano’y paglabag sa probisyong nakasaad sa RA 9165 or Dangerous Drugs Act matapos mahuli ang dalawa in possession of drug paraphernalia noong October 24, 2013 sa kasagsagan ng election period sa barangay elections.

Ayon sa dalawang complainant, tinaniman umano sila ng mga ebidensiya ng kanilang mga kabaro at violation din umano sa Election Laws ang pagdadala ng sampung pulis ng kani-kanilang issued firearms. Dahil dito, Planting of Evidence at Violation of Comelec Gun Ban ang mga asuntong iniharap nina Tacorda sa mga miyembro ng Virac Police.

Ang unang kaso ay ibinasura ng piskalya noong October 10, 2014 dahil sa lack of probable cause ngunit naghain ng Motion for Reconsideration ang kampo nina Tacorda at sinabing nabigo umano ang Investigating Prosecutor na i-appreciate ang mga impormasyon sa pagdi-determina ng probable cause para sa kaso. Ngunit ayon sa Regional Prosecution Office, mabuti umanong natalakay ng Investigating Prosecutor ang claim nina Tacorda sa resolusyong inilabas nito noong ika-10 ng Oktubre. Kaugnay nito, kinatigan ng Regional Prosecution Office ang desisyon ng panlalawigang piskalya.

Para sa pagbasura sa Violation of Comelec Gun Ban, umangkla ang desisyon ng Regional Prosecution Office sa mahahalagang probisyong nakasaad sa Omnibus Election Code, partikular sa paragraph (q), Section 261 ng nasabing code na nagsasabing, “…This prohibition (Gun Ban) shall not apply to cashiers and disbursing officers while in the performance of their duties or to persons who by nature of their official duties, profession, business or occupation….”

Nanindigan si Assistant Regional prosecutor Joyce Guerrero sa kanyang desisyon na bagaman violative umano sa probisyon ng Comelec Laws and Rules ang hindi pag-uuniporme ng mga pulis habang dala nila ang mga baril, ngunit sa umano’y nature ng naging operasyon ng Virac Police, buy-bust operation, kaya masasabing justified ang hindi pagsuot ng uniporme ng mga ito.

“A buy-bust operation is one form of entrapment employed by peace officers as an effective way of apprehending a criminal in the act of the commission of the offense,” ayon sa desisyon. (Ramil S. Soliveres)