Iba’t-ibang delegasyon, nagpasiklaban sa opening ng Palarong Bicol sa CamSur

REGIONAL NEWS
Typography

PILI, CAM. SUR – Iba’t-ibang pasiklab ang itinanghal ng labintatlong delegasyon sa pagbubukas ng Palarong Bicol sa Camarines Sur noong nakaraang linggo. Ang pagtatanghal ng iba’t-ibang festival ang masasabing highlight ng opening ceremonies.

Ang pagpasok ng Vulcans (Team Albay) sa Freedom Sports Complex ay inihudyat ng makapigil-hiningang rendition ng Magayon Festival. At tinuldukan ng isang anunsiyo na ang Albay ang magiging tahanan ng Palarong Pambansa sa 2016. Ang koponan ng lalawigang ito ay kabuuan ng 765 delegation members na ayon sa kanilang tagapagsalita ay nakahandang idepensa ang korona bilang kampeon sa 2014 Palarong Bicol na idinaos sa lalawigan ng Catanduanes.

Ang delegasyon mula sa lalawigan ng Camarines Norte ay bumati naman sa libu-libong audience sa pamamagitan ng Pinyasan Festival. Ang Pinyasan Festival ay 2nd Placer sa ginanap na Gayon Bicol Festival Showdown kung saan pumangatlo rito ang Sugoc-Sugoc Festival ng Catanduanes. Hindi bababa sa 688 ang miyembro ng delegasyon ng Norte na nasa pang-apat na puwesto sa nakaraang Palarong Bicol.

Samantala, ang may 463 miyembro ng Team Catanduanes ay pumarada naman sa rubberized oval ng Freedom Sports Complex sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Padadyaw sa Tinampo. Higit na naging masigla ang koponan sa pakikilahok nina Congressman Cesar Sarmiento at Gov. Manay Cely Wong na walang inhibisyon sa pagsasayaw habang pumapasok sa complex ang delegasyon. Kinilala ng Emcee ang Team Catanduanes bilang the strongest team ng Palaro sapagkat buo ang presensiya at suporta ng pinakamatataas na opisyal ng lalawigan.

Ang lalawigan ng Masbate (524 delegation members) ay pumasok sa complex sa pamamagitan ng Lapay Bangkiti Festival, ang Sorsogon Province (634 members) sa kanilang Susogon samantalang ang host province, Camarines Sur (765 delegation members), ay hindi nagtanghal ng Festival bagkus pumasok silang nagsasayaw ng isang hip-hop dance.

Samantala, ang lungsod ng Iriga (380 members) ay nagpasigla naman sa manonood sa pamamagitan ng Tinagbak Festival, ang Naga City (679 members) sa kanilang Voyadores, ang Ligao City (234 members) sa ipinagmamalaking Sun Flower Dance, ang Legazpi City (548 members) ay ang pamosong Ibalong, ang Tabaco City (419 members) sa kanilang Tabak Festival, Masbate City (455 members) sa kanilang interpretasyon ng Rodeo Dance at ang lungsod ng Sorsogon (330 members) sa kanilang Kasangayahan Festival.

Sa kanyang mensahe, binanggit ni DepEd CamSur OIC Schools Division Superintendent Guemo ang umano’y ilang pangamba nila nang tanggapin ang hosting ng nasabing regional event. Sa mga una niyang pahayag, inamin ng DepEd CamSur na hindi umano nila kayang mapantayan ang hosting ng Catanduanes sa dalawang magkasunod na Palaro.

“We may not give you the best accommodations and the best facilities, but everybody will experience the natural hospitality of Camarines Sur,” ayon kay Guemo. At nag-apela siya sa kapwa niya DepEd officials na punuan na lamang ang kanilang kakulangan kung mayroon man.

Samantala, sa ibinigay na mensahe ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte, sinabi niyang panahon na upang bawiin ng Bicolandia ang glorya sa larangan ng Pambansang Palaro na dati umanong kilala noong mga nakaraang dekada. Kaugnay nito, ang Camarines Sur sa ilalim ng kanyang pamamahala, ay walang humpay sa paghubog ng mga atleta. Katunayan, ang Freedom Sports Complex ay tinatawag din niyang Sports Academy ng lalawigan kung saan tinututukan ang mga mahahalagang atleta lalo na ang mga recruits mula sa grassroots. Ang lokal na pamahalaan ng Cam Sur ang sumasagot sa lahat ng pangangailangan sa edukasyon ng mga nasa ilalim ng programang ito. (RAMIL D. SOLIVERES)