Team Catanduanes, target ang ika-limang pwesto sa Palarong Bicol

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Tumulak na patungong Lungsod ng Naga ang hindi bababa sa 376 na bilang ng delegasyon mula sa lalawigan ng Catanduanes para sa Bicol Palaro 2016.
Sa kanilang pag-alis sa isla, determinado ang mga itong bawiin ang kahit ika-limang pwesto sa nasabing regional event matapos silang dumausdos sa ikaanim na pwesto noong nakaraang taon sa Pili, Camarines Sur Palaro.


Aminado si Catanduanes Division Sports Officer Miguel Ogalinola na mahirap umanong banggain ang malalaki at establisadong dibisyon katulad ng Camarines Sur, Albay, Camarines Norte, Naga City at Legazpi City sapagkat hindi umano birong kapital ang ginugugol ng mga ito para lamang mapanatili ang standing sa Palarong Bicol.

“They provide their athletes with a year-round training, samantalang three weeks lang ang concentration training na naibibigay natin sa ating mga atleta.” Ganoon pa man, itinuturing pa ring strong contender ang Catanduanes sa Palarong Bicol.

“This year we aim to get back at least the 5th place na matagal nating hinawakan, but with the athletes that we have now we can aim for a higher standing,” dagdag pa ng opisyal.

219 lamang ang aktuwal na bilang ng mga atletang maglalaro para sa Team Catanduanes at mahigit isang-daan naman ang bilang na bumubuo sa mga coaches, training officials, chaperons, DepEd officials at Government officials. Paliwanag ni Ogalinola, sinala ng mabuti ang mga players, “And selected only those promising winners.”

Sa pinaiiral na bagong patakaran ng Palarong Bicol, ang adaption ng Olympic Medal System, tanging ang mga medalyang ginto lamang ang binibigyang halaga. Ito rin ang basehan ng official tally para sa overall standing. In the event na walang gintong medalya na bibilangin ay saka lamang magkakaroon ng halaga ang mga medalyang pilak (silver).

“That is why we train athletes who are capable of getting gold medals,” ayon pa kay Ogalinola. “And I would say may mga potentialgold medalists na tayong nakikita sa ating mga atleta.”

Tatlong event ang idedepensa ng Team Catanduanes sa Palarong Bicol. Ito ay ang mga event na volleyball for elementary boys kung saan ang Catanduanes ang defending champion, gayundin sa basketball boys and girls sa sekondarya.

Sa kasalukuyan ay nasa Naga City na ang mga atleta sapagkat nakatakdang isagawa ang interview with the athletes simula ngayong ika-3 ng Pebrero, gayundin ang evaluation sa iba pang mga dokumento saka sila idedeklarang official athletes ng Catanduanes Province para sa Palarong Bicol 2016 na magbubukas ngayong ika-6 ng Pebrero hanggang sa ika-13 ng kaparehong buwan.

Kwento pa ni Ogalinola, mas inspirado at mas mataas ang moral ngayon ng DepEd Catanduanes kaugnay sa pagpasok ng bago at taga-Catanduanes na Division Superintendent sa katauhan ni Socorro dela Rosa. “Everybody was cheering for her. Lahat ng coaches and other event officials are glad that we have her as the boss.”

Binanggit din ni Ogalinola ang buong suportang ipinagkaloob ng provincial government para sa Palarong Bicol. Ang probinsiya ang umano’y sumagot para sa pagkain ng mga atleta mula pa sa simula ng concentration training noong Enero 11 hanggang sa makabalik sa lalawigan ang buong delegasyon pagkatapos ng Palaro. Maliban dito, sinagot din umano ng probinsiya ang athletic equipment ng mga atleta gayundin ang mga uniporme para sa buong delegasyon.

Ang Concepcion Grande Elementary School ang magiging billeting center ng Team Catanduanes. Ito ay matatagpuan bago pumasok sa city proper ng Naga. (RAMIL D. SOLIVERES)