Unang anibersaryo ni Max Tria ng SAF, gununita

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Pinangunahan ng Catanduanes Provincial Police Office (CATPPO) ang paggunita sa unang anibersaryo ng madugong engkuwentro sa Mamasapano noong ika-25 ng Enero, 2015 na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF).


Pinamunuan ni PNP Catanduanes Provincial Director Senior Superintendent Jesus Martirez ang pag-aalay ng bulaklak sa puntod ng bagong bayani na si Police Chief Inspector Max Jim Tria na isang Viracnon.

Kwento ni Martirez, kusa umanong tumanggi ang mga magulang ni Tria sa imbitasyon ng Camp Crame para sa awarding ng medalya sa mga nasawi. Mas gusto umano ng mag-asawang Tria na personal nilang pangasiwaan ang pagdaraos ng kauna-unahang anibersaryo ni Max Jim, lalo’t tiyak ang umano’y pagdagsa ng mga bisita sa nasabing okasyon. Ganoon pa man, isang kapamilya ng mga Tria ang umano’y tumanggap ng Medal of Heroism para kay Max Jim.

Ipinaliwanag din ng direktor ang umano’y mabusising proseso ng PNP sa pagkilala ng dalawang Medal of Valor Awardee kung saan hindi kabilang si Tria bagaman siya ang tinaguriang The Last Man Standing sa nasabing bakbakan.

“I’m sure they have more valid reasons kung bakit sa iba naibigay ang medalya. I believe there were witnesses summoned sa pagkilala ng awardees.” Ganoon pa man, ayon kay Martirez, mataas at mahalagang karangalan pa rin ang Medal of Heroism ni Tria, at ito ay isa umanong tila mailap na pangarap para sa lahat ng pulis.

Dagdag pa ng opisyal, nasa proseso pa rin umano ng pagmu-move on ang mga Tria, at bagaman tahimik lamang, marubdob din umano ang paghahangad ng magulang ni Max Jim na makamit ang hustisya. “Of course, they would like to know what really happened.”

Kinumpirma rin ni Martirez na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano ganap na natatanggap ng pamilya ni Max Jim ang mga benepisyong kalakip ng kanyang pagkamatay.

Samantala, nagpahayag din ng pagkalungkot, pagkadismaya at panghihinayang si West District Board Member Nel Asanza sapagkat hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad ang proposisyon niyang maitirik ang isang rebulto ni PCI Max Jim Tria.

Magugunitang Pebrero noong nakaraang taon, mahigit isang linggo matapos ang engkuwentro, nang isalang ni Azansa sa plenaryo ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa para sa estatwa ng bagong bayani. Buwan ng Oktubre nang ito ay ganap na maaprubahan pagkatapos ang umano’y mabagal na aksiyon ng komite.

Ganoon pa man naniniwala si Asanza na matutupad ngayong taon ang nilalaman ng ordinansa. Ang Provincial Engineering Office ang inatasang mangasiwa sa konstruksiyon ng rebulto at ito ay nakatakdang itatag sa Heroes Fountain sa tapat ng Jollibee. (RAMIL D. SOLIVERES)