Skills training sa mga bilanggo, parolees at probationers, hirit ng Huwes sa TESDA

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Sa isang okasyon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong nakaraang linggo, ipinaabot ni RTC Executive Judge Lelu P. Contreras ang kanyang apela na mabigyan ng iba’t-ibang skills training ang mga bilanggo gayundin ang mga convicts na nasa ilalim ng Parole and Probation.


Kwento ng huwes, maituturing umanong isang divine intervention ang umano’y pagkakapadpad niya sa ground breaking ceremony para sa expansion ng TESDA Provincial Office. “I was with the governor para sa isa pang importanteng lakad when she invited me to go with her in TESDA occasion. When I met the Officer-In-Charge of TESDA Catanduanes in the person of Elpidio Tuboro, I realized I was brought on that occasion for a purpose, ”ayon sa Huwes.

Dagdag pa nito, lubos umano niyang sinamantala ang pagkakataon, “By asking Mr. Tuboro to extend TESDA services for prisoners, parolees and probationers.”

Sa mga bilanggo, malaking bagay umano ang pagkakaroon ng skills training upang maging mas kapaki-pakinabang ang bawat araw nila sa kulungan at upang maiwasan ang pangungulila o kaya’y pagkabagot, mainam din umano itong paghahanda sakaling maabswelto sila at magkaroon ng pagkakataon na makapagbagong-buhay.

Sa kasalukuyan, may ilang existing livelihood programs na para sa mga bilanggo ng BJMP San Andres. Tuloy-tuloy at inilalabas na rin ng lalawigan ang smocking products (pillow cases made of silk), at batay sa pinakahuling impormasyon mula sa Warden ng BJMP San Andres na si Jorge Gregorio, nakatakda umano nilang ipadala sa Tawi-Tawi ang kanilang produkto kung saan mas mahal umano doon ang bentahan at ang buyer pa mismo ang umano’y maglalagak ng kapital para magkaroon ng malaking produksiyon ang mga preso.

Maliban sa smocking, patuloy din ang mushroom production sa BJMP San Andres at natutuwa si Gregorio sa pagsisikap ni Judge Contreras na matulungan ang kanilang mga bilanggo. “This TESDA skills training will help our residents a lot, lalo pa’t hindi naman marami sa mga bilanggo namin ang may interes sa smocking.”

Sa BJMP Virac, kwento ni Judge, nakapagsimula na rin umano ng isang livelihood ang kababaihang bilanggo. “They call themselves as The Yellow Ladies of Virac BJMP and they ventured on food production like spring rolls, pastillas and others. Ang mga ganitong programa at mga gawain ang gusto kong maging mas maunlad para sa kanila.”


Samantala, sa mga nasa ilalim naman ng parole and probation, makakatulong ang skills training upang magkaroon ng armas ang mga sentensiyado para makapagsimulang muli. “They need to get a job, they need to start a living,” ayon sa huwes. Sa lipunan, hindi madaling pumasok sa trabaho ang isang ex-convict o sinumang nasa ilalim ng probation. Ito marahil ay sapagkat dala nila ang tatak ng kulungan o ng krimen na kanilang nagawa. “But most of them are family men na kailangang magtaguyod ng pamilya. Kung hindi natin sila bibigyan ng pagkakataon, maaring bumalik sila sa dating gawi na naging dahilan ng kanilang conviction.”

Bago ang hindi inaasahang appearance ni Judge Contreras sa okasyon ng TESDA ay una na umano niyang nakausap si Gov. Araceli B. Wong hinggil dito. “I asked the governor if she can encourage a Non-Government Organizations (NGOs) or any other industry who would employ parolees and probationers.” At ayon kay Contreras, positibo naman daw ang naging katugunan ng gobernador sa kanyang pakiusap.

Samantala, sa closing remarks ni OIC Provincial Director Tuboro, agad niyang tinupad ang apela ng hukom. Sa mikropono, ipinag-utos ni Tuboro sa kanyang mga opisyal ang agarang pakikipag-ugnayan sa dalawang BJMP offices gayundin sa tanggapan ng Parole and Probation.

“When I heard that, I felt so fulfilled,” wika ni Judge. “I just felt so humbled being an instrument for the blessings of others.”


Sa kabilang dako, ibayong kagalakan naman ang ipinahayag ng bagong upong hepe ng Parole and Probation Office na si Luvisminda Codia. Aniya, “Isang malaking prebelihiyo na ang huwes na mismo ang kumilos para matulungan ang aming mga kliyente.”


Sa kasalukuyan, may 122 probationers sa Catanduanes. Sila iyong mga may conviction ng anim na taon pababa ngunit sa halip na magsilbi ng kanilang sentensiya sa loob ng kulungan ay na-kwalipika sila para mapasailalim sa probation.

Bawat isa sa kanila ay kailangang mag-report buwan-buwan sa Parole and Probation Office at minu-monitor din kung nasusunod nila ang mga probisyong ibinigay ng Korte. Samantala, ang mga nasa ilalim naman ng Parole ay iyong mga nakapagsilbi na ng minimum sentence. Ayon kay Codia, may 34 silang kliyente at karamihan sa kanila ay kung hindi galing ng Bilibid ay mula pa sa Iwahig.

Inamin ni Codia na talagang trabaho ang pangunahing suliranin ng kanilang mga kliyente. Ganoon pa man, unti-unti umano nila itong nireresolba sa pakikipag-ugnayan sa DOLE.

“We have established a linkage with this agency and some of our clients have become qualified to avail DOLE’s Kabuhayan Starter Kits. Ang problema lang, marami ang hindi namin mai-refer sa DOLE kasi wala talaga silang skills.”

Kaya ganoon na lamang ang pasasalamat ni Codia sa napipintong pagkaloob ng TESDA para sa skills training. “This is all we need.” At ayon pa sa kanya ay handa silang tumulong sa training needs ng mga parolees and probationers.

Maliban sa TESDA, nakatakda ring magkaloob ng katulad na asistensiya sa mga bilanggo ang Catanduanes State University (CSU). Sa panayam kay Warden Gregorio ng BJMP San Andres, ilang eksperto umano mula sa nasabing pamantasan ang nakatakdang magbigay ng training para sa food processing kagaya ng tocino, longganisa, embutido at iba pang processed meats. (RAMIL D. SOLIVERES)