Mga kandidato lumagda para sa maayos, malinis at mapayapang eleksiyon 2016

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Lumagda ang mga provincial candidates bilang tanda ng kanilang panunumpa na itataguyod ang isang maayos, malinis, mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa darating na National and Local Elections sa ika-9 ng Mayo.


Ang aktibidad ay isinagawa noong Enero 29 at ito ay pinangasiwaan ng Commission on Elections (COMELEC), Philippine Army, Philippine National Police, Diocese of Virac at ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Lumahok din si Gov. Araceli B. Wong na kumatawan sa Panlalawigang Pamahalaan, DILG Provincial Director Jun Razal, Virac LGU sa pangunguna ni Mayor Flerida Alberto, Bureau of Fire, Bureau of Jail Management and Penology at iba pang deputized agencies ng komisyon.

pirmaBago ang Peace Covenant signing, nagbukas ang okasyon sa isang banal na misa na sinundan ng Unity Walk kung saan ipinakita hindi lamang ng mga kandidato ngunit gayundin ng lahat ng partisipantes ang kanilang pagkakaisa para sa isang malinis na halalan.

Unang lumagda sa nasabing tipan ang mga kandidato sa pagka-gobernador. Personal na dumalo sina JB Wong ng Partido Liberal (LP), Jose J. Teves, Jr ng Nationalist People’s Coalition (NPC) samantalang kinatawan naman si dating gobernador Joseph Cua ng UNA ng kanyang maybahay na si Nancy Cua.

Sa pagka-kongresista, tanging ang incumbent Congressman Cesar Sarmiento ng LP ang dumalo at wala sa nasabing okasyon ang mga katunggali nito na sina dating gobernador Hector Sanchez at si dating gobernador at kongresman Leandro Verceles, Jr.

Sa pagka-bise gobernador, dumalo sina Jorge Reyes (LP) at Atty. Leo Mendoza (UNA). Wala ang Vice Gubernatorial candidate ng NPC na si Shirley Abundo. Nakilahok din ang mga kandidato sa pagka-bokal mula sa dalawang distrito (East and West) na sina Lorenzo Templonuevo, Arnel Turado, Fedelito Soledad, Jelo Lopez, Andres Soneja, Fernando Chavez, Jose Romeo Francisco, Giovanni Balmadrid, Jex Lucero, Marlon Suplig at Natalio Popa.

Paalala ng PPCRV sa pamamagitan ng Chairman na si Rev. Father Renato dela Rosa, nawa’y magbunga sa bawat isa ang nangyaring aktibidad. Hinimok din nito ang mga kandidato na itaguyod ang prinsipyo ng demokrasya. At kung umano’y totoong nagmamahal at nagmamalasakit sa tao ang mga kandidato, huwag umanong bilhin ang kanilang boto, o kaya’y gamitan ng lakas at iba pang karahasan sa pagboto. Dagdag ni Dela Rosa, itaguyod ng lahat ang dignidad at integridad ng mga botante.

Wika pa ng PPCRV, iangat din ng mga kandidato ang lebel ng kampanya sa pamamagitan ng mga talakayan sa mga umiiral na isyu gayundin sa kani-kanilang plataporma. Iwasan din umano ang character assassination dahil hindi ito magbubunga ng maganda.

Lubos naman ang pasasalamat ni Provincial Election Supervisor Atty. Maria Aurea Bo-Bunao sa suportang ipinagkaloob sa komisyon sa nagdaang mga taon ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng Comelec Catanduanes.

Kinumpirma niya na anumang oras ay lilisanin niya ang tanggapan para sa umano’y regular na reshuffling ng mga Provincial Election Supervisors. Maliban sa kanya, babalasahin din umano maging ang lahat ng Election Officers sa buong lalawigan. Ani Bunao, dapat marinig ang tinig ng bayan ngayong May 9 election. (RAMIL D. SOLIVERES)