2 nawawalang mangingisda, ligtas na nakauwi sa Catanduanes

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Nakauwing ligtas sa kani-kanilang tahanan noong nakaraang Martes, Enero 26, ang dalawang mangingisda na nawala sa laot at ipinadpad sa dalampasigan ng Sorsogon.
Sa ulat ni Local Disaster Risk Reduction Management Officer (LDRRMO) Jerry Beo, ikawalo ng umaga noong January 22 nang pumalaot sina Jervel Avila, 29 taon gulang at Roland Tabor, 33 years old upang mangisda. Ngunit pagdating umano sa Pasipiko, namatay ang makina ng kinalululanan nilang motorized banca, at sa loob ng mahabang oras ay iginaod sila ng malakas na hagunot ng hanging Amihan sa direksiyon ng lalawigan ng Sorsogon.


Halos hatinggabi ng araw ding iyon nang sumadsad sina Avila at Tabor sa baybayin ng Prieto Diaz. Agad umanong nakipag-ugnayan ang alkalde ng nasabing bayan sa PDRRMO ng nasabing lalawigan at ipinagbigay-alam ang pagkakatagpo nila sa dalawang mangingisda. Dinala sila ng PDRRMO-Sorsogon sa Provincial Health Office para sa agarang atensiyong-medikal.
Lunes ng umaga nang umano’y makipag-ugnayan sa PDRRMO-Catanduanes ang lalawigan ng Sorsogon, samantalang ibiniyahe naman patungo sa tanggapan ng Civil Defense sa lungsod ng Legazpi sina Avila at Tabor.

Ayon kay Beo, hindi umano sila nag-aksaya ng sandali at agad umano silang nagpadala ng service vehicle upang sunduin ang dalawang mangingisda na pawang residente ng barangay San Vicente ng Virac.

Tanghali noong Martes, January 26, nang makauwi sa kanilang pamilya sina Avila at Tabor. Labis-labis naman ang pasasalamat ng LGU Catanduanes sa LGU Sorsogon kaugnay sa asistensiyang ipinagkaloob nito sa dalawang mangingisda. (RAMIL D. SOLIVERES)