Gov. Wong, iginagalang ang desisyon ni Vice-Gov. Teves na tumakbo bilang Gobernador

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Lubos umano niyang tinatanggap at iginagalang ang naging deklarasyon ni Vice Governor Jose ‘Bong’ Teves, Jr. na tumakbo bilang gobernador ng lalawigan.
Ito ang ipinahayag ni Gov. Araceli B. Wong sa isang panayam kasunod ng deklarasyon ni Teves.

“Karapatan niya iyon at wala namang problema sa akin,” ayon kay Wong. “Katulad ng sinabi ko na dati, welcome ang kahit na sino na gustong maging gobernador.”

Ganoon pa man, pinuna ni Wong ang umano’y isa sa mga sangkalan ng naging deklarasyon ni Teves. Inamin niyang totoo ang proposisyon ng bise-gobernador tungkol sa 50M seed money para sa EBMC, at inamin din ng gobernador na totoong hindi nga raw talaga niya pinatulan ang nasambit na proposisyon.

Katwiran niya, “Hindi iyon ang makakasalba sa EBMC, in fact, iyon ang higit pang magpapalubog sa operasyon ng ospital. Marami nang pera ang inilagay sa EBMC, pero lahat iyon ay naglaho rin. Ano ang garantiya na ang 50M seed money ay gugulong at lalago? Unang-una, walang tamang tao na nasa tamang posisyon nang datnan ko ang EBMC. Sa ganoong set-up, walang patutunguhan pondohan man nang sobra-sobra ang ospital. First thing first ang ginawa natin. We identified and installed right people in the right positions, and now as you can see, organisado na ang EBMC at natutugunan natin ang mga pangangailangan nang hindi tayo nakokompromiso ng 50 milyon.”

Wala rin umanong agarang pangangailangan pa para sa subsidiya ng mga nag-aabaka. “Matatag ang kanilang hanapbuhay at naniniwala akong hindi ito hihina sa loob ng madaling panahon. Marami pa tayong ibang kababayan na nangangailangan ng pagkakakitaan kaya minabuti natin na maglunsad ng iba’t-ibang livelihood programs para sa lahat, na pakikinabangan din ng mga ‘parahagot’ bilang alternate livelihood while they grow their abaca plants.”

Tungkol sa pagkakaroon ng PCSO satellite office sa probinsiya, ayon pa sa gobernador ay naglaan siya ng isang disenteng lugar sa EBMC compound para dito, at hindi umano niya hinayaang sa kapitolyo mailagay ang PCSO office. “Sapagkat ano ang gagawin ng PCSO office sa capitol samantalang may mga sweldo ang lahat ng andito? Maraming mas nangangailangan sa EBMC kaya alam kong doon ito mas tama. Doon, marami itong matutulungan.”

Sa isyu naman kaugnay sa sinasabing ‘Plantilla for Sale’ sa kapitolyo, ayon kay Gov. Wong, “We are guided with the Civil Service rules and procedures sa hiring ng mga emplyeado. In fact, there are members of the Sangguniang Panlalawigan who are members of the screening board. Ang desisyon nila ang nasusunod at hindi ko ito pinakikialaman. Anyone can ask them kung may bentahan ng trabaho sa kapitolyo.”

“Inuulit ko, hindi po ako naupong gobernador para lamang maghasik ng iregularidad sa gobyerno at magpakarumi ng pagkatao,” wika pa ng gobernador. “Isa ang Catanduanes sa dalawang probinsiya ng Bicol na nagtamo ng parangal sa good governance. This seal should tell everyone how we govern this province.”