Mister ni Shalani Soledad, kinumpirma ang pagtakbo bilang senador

TOP STORIES
Typography

VIRAC, CATANDUANES – Kinumpirma ni Pasig City Congressman Roman Romulo – ang mister ng dating konsehala ng Valenzuela City, dating TV host at dating kasintahan ni pangulong PNOY na si Shalani Soledad – ang kanyang pagtakbo para sa senado sa darating na halalan.

Ayon sa kanya, posibleng sa ilalim ng tambalang Grace-Chiz siya sasabay. Ang kumpirmasyong ito ng apo ng pinagpipitagang Carlos P. Romulo ay binanggit sa harap ng mamamayan ng Catanduanes noong nakaraang linggo nang ito ay maging panauhing pandangal para sa Philippine Councilor’s League Celebration (PCL) Week Celebration.

Si Cong. Romulo, bilang chairman ng House Committee on Higher Education ay nakapagpasa ng ilang mahahalagang batas na ngayon ay naihain na sa Palasyo para sa lagda ng pangulo. Una niyang binanggit ang Iskolar ng Bayan Law na nagbibigay ng automatic and full scholarship sa lahat ng high school graduates na nasa top 10. Ngunit makakamit lamang ang nasabing prebelehiyo kung ang estudyante ay mag-aaral sa isang pampublikong unibersidad sa loob ng rehiyon kung saan siya naroroon.

Isa pa sa interesanteng batas na naipasa ni Romulo ay ang tungkol sa Modern Distance Learning Act on College Education na nagbibigay ng mandato sa Commission on Higher Education (CHED) na mag-accredit ng mga kolehiyo at pamantasan gayundin ng mga kurso at programa na magbibigay ng college degree, masteral degree at maging doctoral degree online. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng computer at internet ay maaring makapagtapos at makapagdalubhasa ang sinuman.

Ayon kay Romulo, naidesenyo ang batas na ito para sa mga OFW at iba pang mga manggagawa na gustong makapagtapos ng pag-aaral ngunit nahahadlangan ng prayoridad na maghanapbuhay para sa pamilya.

Sa pamamagitan ng batas na ito ay maari nang magka-diploma ang nasabing sektor ng mga manggagawa.

Ikatlo sa batas na inakda ni Romulo ay ang Lateral Education Law. Ayon sa kanya, sa bawat isanglibong high school graduate ng bansa ay swerte nang dumidiretso sa kolehiyo ang limang-daan. Karamihan umano ay mas pinipiling kumuha na lamang ng trainings mula sa TESDA na nagtatapos na may mga NC I hanggang NC III certificates. Inaatasan ng batas na ito ang TESDA at CHED na ilatag na ang mga equivalent credits ng NC I hanggang NC III sakaling magpasya ang estudyante na ipagpatuloy ang edukasyon sa kolehiyo. Layunin ng batas ang mapaigsi ang taon ng pag-aaral sa kolehiyo ng isang NC holders.

Samantala, ang high school graduates naman na nagtapos na wala sa top 10 at hindi kwalipikado para sa Iskolar ng Bayan ay maari namang makakuha ng scholarship grant sa pamamagitan ng panukalang batas na kahahain lamang ni Romulo at ito ay ang Unified Financial Assistance (UNIFAST) for college students.

Sa kabilang dako, ipinahayag naman ng kongresista ang pronouncement ng Palasyo na hindi umano prayoridad ng Pangulo ang pag-apruba sa Freedom of Information (FOI) Bill na siya rin ang may-akda.

Kinumpirma ni Romulo na nagkakaroon nga ng misconception lalo na sa mga kongresista ang panukalang batas. Sapagkat ayon sa marami, banta sa mga pulitiko ang FOI at maari silang mapahamak, samantalang ayon kay Romulo, ito ang mabisang paraan upang maitaguyod ang transparency sa gobyerno.

Ganoon pa man, tiniyak ni Romulo na hindi niya titigilan ang FOI. Kung sakali ngang mamamatay ito sa kasalukuyang kongreso, muli umano niya itong ihahain sa muling pagbubukas ng plenaryo lalo na kung papalarin siyang maupo sa senado. (RAMIL D. SOLIVERES)