CATANDUNGAN FESTIVAL:Ang Huling Pagtatanghal

TOP STORIES
Typography

Pagkaraan ng labing-limang taong singkad ng ingay, kulay, sigla at ibayong kasiyahan, tayo ay magpapaalam na sa taunang pagtatanghal ng Catandungan Festival.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Carmel B. Garcia, bagaman nakakalungkot, ngunit kailangan umano nating bigyan ng daan ang isang mas tama at mas angkop na pagdiriwang.


Kamakailan nang tuluyang malagutan ng hininga ng Catandungan Festival nang aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang isang ordinansang lumilikha sa Abaca Festival bilang kahaliling selebrasyon.
Ayon sa ordinansa, higit na maipapakita ng probinsiya ang kakanyahan sa pamamagitan ng Abaca Festival na hindi lamang magtataguyod ng ating produkto ngunit magbibigay din ng totoong kahulugan para sa atin bilang mga Catandungeno.

Taon 1995 nang ipanganak ang Catandungan Festival sa ilalim ng administrasyong Severo Alcantara, nang idaos ng lalawigan ang ika-50 anibersaryo ng kalayaan. Sa mga unang taon, ang Catandungan Festival ay kalipunan ng halos pawang pang-relihiyusong aktibidad lamang, at sinasabing tampok nito ang ‘Padadyaw sa Tinampo’ o pantomina sa kalsada na hanggang ngayon ay nagiging bahagi pa rin ng pagdiriwang.

Sa paglipas ng panahon, ang Catandungan Festival ay umigpaw sa mas mataas na lebel ng pagdiriwang. Naging kahati ng religious activities ang iba’t-ibang presentasyon na naglalarawan sa kayamanan ng ating kultura, maging ng iba’t-ibang sporting events. Samakatuwid, mula sa pagiging isang simpleng religious activity ay pumalaot ang Catandungan Festival sa iba’t-ibang ritmo ng tunog at galaw ng pagdiriwang.

At noong 2008, inilunsad ng Catandungan Festival ang Festival of Festivals Showdown at streetdancing competition. Wika pa ni Carmel Garcia, ito ang naging hudyat upang mapasok ng Catanduanes ang pang-rehiyong entablado.

Naging mas kaabang-abang ang taunang pagdiriwang sa pagtatagisan ng galing ng mga kalahok bitbit ang iba’t-ibang festival ng labing-isang bayan: Burac ng Virac (dating Sarimagyo), Sibubog ng Bato, Badas ng Baras, Umasilhag ng Gigmoto, Paray ng Viga, Kinis ng Panganiban, Sugoc-Sugoc ng Bagamanoc (dating Manok-Manok), Panggasius ng San Miguel, Calo ng San Andres, Sugbo ng Caramoran at Dinahit ng Pandan.

Ilan sa mga ito ay nakapag-uwi rin ng mga parangal mula sa mga kompetisyon sa iba’t-ibang panig ng rehiyon. Ngunit anu’t-anuman, ang Showdown of Festivals ang iglap naging tampok ng bawat Catandungan Festival. Subalit sa pagdaan pa ng panahon, unti-unting komonti ang lumalahok sa streetdancing. Pondo ang pangunahing dahilan ng mga munisipyo, ang iba naman ay pulitika.

At ngayon, sa huling yugto ng Catandungan Festival, hindi masisilayan ng bayan ang showdown. Sa huling pagbubukas ng telon, hindi makikita ang Festival of Festivals Showdown.
Nakakalungkot. Nakapanlulumo. Ngunit ganoon pa man, salamat sa tuwa’t saya, Catandungan Festival. At paalam.