‘No to Mining’ pledge, mantinido ng gobernador

TOP STORIES
Typography

Virac, Catanduanes - Mariing itinanggi ni gobernador Araceli B. Wong ang akusasyong umano’y ibinabasura niya ang kanyang pangako sa taong bayan na hindi niya pahihintulutan ang mining activity sa lalawigan ng Catanduanes.

Ayon sa kanya, mantinido ang kanyang posisyon: hindi umano niya papayagan ang anumang mining activity na maaring magdala ng kapahamakan sa mamamayan. Ang pagkakaungkat ng isyu tungkol sa mina ay nag-ugat sa hangarin ng gobernadora na maamyendahan ang House Bill 670 ni Congressman Cesar Sarmiento na nagdedeklarang mining-free ang Catanduanes, kung saan pinag-uusapan umanong pinipigilan nito ang mga karaniwang tao na kumuha at gumamit ng quarry materials katulad ng mga buhangin at graba.

“Sa pagpapanatili sa kasagraduhan ng ating probinsiya, wala akong tutol doon sapagkat iyon din naman ang layunin ko,” ayon kay Wong. “Ang hindi ko lubos maisip ay ang sinasabing mga probisyon na nakasaad sa nasabing Bill kung saan ang quarrying ay pinapanukalang para sa government projects lamang.

Ibig sabihin, not allowed for private use ang mga graba at buhangin. This is something unthinkable and impossible.” Sa binabalak na amyenda sa nasabing House Bill, pinapanukala rin ni Wong ang limestone quarrying. Ayon sa kanya, maraming ganitong uri ng mineral ang Catanduanes na maaring mapakinabangan lalo na’t pursigido ang gobernadora na tuparin ang kanyang pangarap na pagdugtungin ang mga lalawigan ng Catanduanes at Camarines Sur sa pamamagitan ng isang tulay.

Ang limestone ay isang sangkap sa paggawa ng semento. Ngunit binigyang-diin ni Wong na ang posibleng inclusion ng limestone quarrying sa amendment ay mangyayari lamang pagkaraang makapagbigay ng suhestiyon ang otoridad na nangangasiwa sa usaping ito. “We have requested technical assistance from Mines and Geosciences Bureau (MGB) to asses and evaluate our limestones,” paliwanag ng gobernador. “Pag dineklara nilang large scale mining ang magiging extraction sa limestones, natural hihinto tayo.

Ngunit kung sabihin nilang small scale ito or quarrying at hindi naman magiging banta sa seguridad ng tao, ipagpapatuloy natin ang proseso.” Kabilang sa mga proseso na sinasabi ng gobernador ay ang paglalatag ng plano sa taong-bayan sa pamamagitan ng isang public consultation. “At the end of the day, ang mga kababayan pa rin natin ang magpapasya.

I am only trying to accomplish what I know is good for the province. This bridge, I believe, would be a breakthrough para sa mas maunlad na Catanduanes.” Samantala, sa isang news briefing, nagpahayag naman ng mga kahalintulad na pangungusap si Vice Governor Jose ‘Bong’ Teves. Inamin niyang siya man ay hindi lubos na nakakaunawa sa usaping limestone.

“That is why we are seeking resource persons para maintindihan kung ano ito at kung hindi delikado kung ito ay kukunin,” ayon sa kanya. “Ang problema ay may mga taong nagtatapon na ng putik sa mga opisyal ng probinsiya gayong sila man ay maaring hindi rin nakakaintindi.” Naniniwala ang bise gobernador na pulitika ang dahilan ng ingay ng ilan.

Bilang isang kilalang environmental advocate, nais din matiyak ni Teves mula sa mga kinatawan ng MGB na hindi makakasira ng kalikasan ang limestone quarrying. Samantala, kaugnay pa rin sa mga paunang hakbang para sa posibleng maging katuparan ng CamSur-Catanduanes Friendship Bridge, nakatakdang idaos dito sa lalawigan ng Catanduanes sa darating na April 28, 2014 ang joint session ng dalawang Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Teves, pag-uusapan sa gaganaping sesyon ang mahahalagang detalye ng proyekto. (PIMO)