'Tumayo at ituloy ang laban sa buhay' - Raissa

TOP STORIES
Typography

Hinikayat ngayon ni Ms. Raissa Laurel-Subijano ang mga kapwa putol ang paa at nahihirapang makalakad na huwag mawalan ng pag-asa. Sa kanyang pananalita sa launching ceremony ng Z Morph benefit package ng PhilHealth, sinabi ni Subijano na dapat magtiyaga lamang at magtiis gaya ng kanyang ginawa matapos maputulan ng dalawang paa noong 2010 Bar exam sa Taft Avenue, Maynila.

Kung maaalala nang mangyari ang pagsabog sa harap ng De La Salle University campus sa Taft Avenue, Maynila ay estudyante siya ng San Sebastian College of Law. Ayon kay Subijano, mistulang bumalik siya sa pagkabata at nagsanay ng paglalakad gamit ang prosthesis o artificial feet.

Kaya malaking bagay daw ang bagong package ng PhilHealth para isama na sa babayaran ang prosthesis ng mga amputees. Nagpapasalamat daw siya dahil noon ay mayroon siyang isponsor kaya malaking bagay ang PhilHealth package para sa mga mahihirap.

Binalikan din niya ang pangyayari sa naging masakit na desisyon ng kanyang mga magulang na pinirmahan ang operasyon na putulan siya ng dalawang mga paa. Maging ang mga doktor noon sa PGH ay nagsabing 20 porsyento lamang ang kanyang tsansang mabuhay dahil sa dami ng dugo na nawala sa kanya.

Sa kabila umano ng matinding pagsubok at kawalan ng pag-asa ay naging matatag siya. Mula raw nang makabitan siya ng articificial feet ay ito na ang nagpabago sa kanyang buhay at ituloy ang kanyang mga pangarap. Nagpatuloy din siya sa pag-aaral at noong buwan ng Disyembre nang nakalipas na taon ay ikinasal siya.

Sa ngayon ay hindi rin umano sagabal sa kanya ang pagiging amputee. Aniya, nagsasanay na rin siya ngayon sa pagtakbo at boxing. Ang tinuran ni Raissa ay umani ng palakpakan at ang iba naman ay nangilid ang luha.

Hindi naman nakalimutang pasalamatan ni Raissa ang Pangulong Aquino na binista siya noong nasa ospital pa lamang. Sa kanyang mensahe naman, sinabi ng Pangulong Aquino na kahanga-hanga ang katapangan ni Subijano at magsisilbing inspirasyon sa mga nakaranas ng kahalintulad na pagsubok.

Inihayag pa ng Pangulong Aquino na ang bagong benepisyo ng PhilHealth ay resulta ng maayos na pangangasiwa sa pondo ng ahensya at hindi nagamit sa ibang interes gaya ng nangyari sa nakaraang administrasyon.